Pagod sa Likod ng Tagumpay (Filipino Essay)

Pagod sa Likod ng Tagumpay (Filipino Essay)

Pagod sa Likod ng Tagumpay

Glenda S. Ramos

 

Nakakalungkot ang kapalaran, napakabigat ng mga pasanin. Tila wala nang tigil ang pagdaloy ng samut-saring mga problema.

Napakabilis lumipas ng panahon, napakabagsik ng bawat paparating na mga unos. Napakahirap sabayan ng ihip ng hangin.

            Pagod. Talagang nakakapagod minsan pakiwari mo’y pasan mo ang buong mundo.Ilang beses ka nang nagparaya ngunit ang nasa paligid mo’y patuloy pa rin  sa pagyurak ng iyong katauhan. Sila’y aliping sadlak ng kadiliman. Karamihan sa kanila ay mga bulag sa katotohanan, bingi sa katarungan at manhid ang mga puso’t isipan.  Bakit kaya sila ganito?  Di ba’t minsa’y naiisip mo at naitatanong sa iyong sarili kung bakit patuloy ka pa ring nabubuhay, humihinga, naglalakad patungo sa patutunguhan tumatahak sa landas na iyong dapat kalagyan? Minsan naman ay patakbo mong inaabot ang mga lumilipad na mga bituin ng iyong pangarap ngunit dahil sa kadahilanang ikaw ay minsang naging marupok ang nararapat na sana’y iyo nang abot-kamay ay iyo pang nabitiwan dahil sa ikaw ay nadapa. Dahil dito ay patuloy ka pa ring kinutya, ipahiya at tinuligsa. Pinilit mong tumayo sa pagkakagapang, hinanap mo ang kung sino man ang may lakas ng loob na magdaop palad sa kalagayan mong bigo. Ngunit, wala…itinaas at iniabot mo ang iyong mga kamay pilit kang nangapa sa sulok ng kadiliman. Nagsimula nang mamanhid ang buo mong katawan,nanginginig, nauubos nang unti-unti ang iyong lakas, nawawala na ang gumagaralgal mong mga tinig, naglalaho na sa iyong paningin ang bawat kulay na siyang sa iyo ay nagbibigay buhay. Sumusuko na ang buo mong katauhan. Makailang beses mo nang inisip ang paglisan ngunit bakit di mo pa rin makayanan.

            Isinisigaw ng iyong isipan, ibinubulong ng iyong katawan na pagod ka na. Ngunit kailangan mo pa ring maabala. Oo marami rin ang mga taong sa iyo ay naniniwala, at nagtitiwala. Ngunit paano kung suko ka na at gusto mo nang maging Malaya; sila ba’y may magagawa? Marami sa kanila ay hindi man lang alintana, ang hirap na iyong inaamba.

            Sa buhay ba naman, bakit kailangang may tadhana? Bakit ang tagumay ay kinakailangang may kapalit na labis-labis na pagdurusa? Oo, ito ngayon ang isang malaking katanungan; bakit kailangan ng pagkapagod sa likod ng tagumpay? Hindi ba’t dapat ka ngang  magsaya dahil nakatunton ka na sa mataas na pedestal na angat sa iba? Ngunit bakit paghihirap at pagkabalisa ang iyong nadarama?

            Tama ang sabi nila; napakasuwerte mo kung nagtagumpay ka, umaangkin ka ng mga katangiang wala sa iba at higit sa lahat ay angat ka sa kanila. Marami sa kanila ay taas noo sa pagsalubong sa iyo. Marami sa kanila ang nagnanais na makasama mo, maging parte ng buhay mo at maging katulad mo. Sabi nila kakaiba ka, kahanga-hanga, isang modelo. Ngunit ang hindi nila alam maraming nakakubling hinanakit sa likod ng tagumapy na iyong tinatamasa.

            Kung sa bagay, maari ka rin namang magtago sa likod ng iyong pagkatao. Maari kang magsuot ng maskara dahil ikaw lang naman ang tunay na nakakakilala kung sino ka, pagpapanggap ika nga. Tulad ng ginagawa ng iba.

            Di ba’t minsa’y pinipilit mong maging masaya kahit malungkot ka, tumawa kahit di mo kaya, libangin ang iyong sarili? Ano nga ba talaga ang dapat mong ipakita? Lalo na sa mga oras na itong ika’y pagod na. Pakiramdam mo ay nakukulong ka, walang laban, mahina, marupok, at walang kalayaan.  Lagi kang nabibiktima ng maling akala. Lagi mong ikinukubli ang lahat ng iyong mga pagdurusa. Inilililihis mo ang iyong landas sa mga nais na makakita sa mga patak ng luhang dumadaloy sa iyong mga mata. Ang pawis mo ay hindi mo na inaalintana. Pagod mo’y isinasawalang bahala.  Tunay ngang ikaw ay kaawa-awa ngunit ano pa ba ang iyong magagawa gayong ikaw ay di rin nila alintana?

            Positibong pananaw, yan ang lagi nilang bukambibig. Oo naniniwala ka sa positibong pananaw, pero kailangan ding paniwalaan ang limitasyong nakaabang sa bawat mong hakbang. Sana naman maalala nila na pagpahingahin ka kung ayaw nilang tuluyan ka nang mamaalam.

            Nakakatuwa ano, nagtagumpay ka, naging masaya dahil muling sumibol ang isang pag-asa. Ngunit bakit napakabilis at biglang napalitan ng hinagpis ang puso mong kanina’y naglulundag sa tuwa? Ngayon alam mo na na ang pagod ay laging nasa likod ng bawat tagumpay. Ngunit ganyan lang talaga ang buhay, sa pamamagitan nito ay nagkakaroon ng kulay. Sige labanan mo ang lahat. Kayanin mo, tahakin mo, lampasan mo, abutin mo at liparin kung talagang gusto mong malampasan at makapagpahinga, sa kabila ng lahat ng pagod sa likod ng iyong tagumpay.

7 thoughts on “Pagod sa Likod ng Tagumpay (Filipino Essay)

  1. Maliban sa kagandahan ng artikulong ito, ito rin ay nakakatulong sa aking mga takdang aralin… maraming…maraming… salamat.

  2. maganda ang storya , cguro maging inspirasyon ko ito sa buhay.
    na sana hindi mawalan ng pag.asa sa pag tungo ng pagka tagumpay!
    isiping mabuti na may humahanga din sayo at talagang sasaludo!🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s