Ang Hiwaga ng Pagyabong

Ang Hiwaga ng Pagyabong

Naaalala mo pa ba ang mga panahon noong ikaw ay isang buto pa  lamang? Ang ibig kong sabihin ay buto ng isang halaman. Ikaw ay maselan, mahina at marupok. Nagpapadala ka saan ka man tangayin ng ihip ng hangin. Walang direksyon ang iyong buhay. Dahil dito ay wala kang laban. Hindi mo alam kung saang lupa ka mapapadpad.

Lumipas ang mga panahon at ikaw ay lumabas sa loob ng buto at unti-unti’y nasilayan mo ang liwanag ng kapaligiran. Sumulpot ang mga dahon at lumago ang iyong mga sanga. Unti-unti mong naiintindihan ang kulay ng iyong buhay.Minamalas mo na ngayon ang mga hiwagang bumabalot dito. Natuto ka ng kumilatis at mag-isip. Malalim na ang iyong mga pananaw. Kasabay ng pagbabagong ito ay ang pagtanda at paglipas ng panahon na sumasabay rin sa iyong pagyabong. Bawat araw ay may katumbas na pag-asa ng bagong pagsibol.

Ang proseso ng iyong buhay ay dumaan sa iba’t-ibang pamamaraan. May mga pagkakataong nagiging marupok ang iba mong mga sanga at gayon din ay nangangahulog ang iyong mga dahon. Ngunit patuloy ka sa paglago at pagyabong. Bawat nalalagas na dahon at sanga ay napapalitan nga bagong sibol sa bawat umaga. Iyan ang buhay laging may pag-asa. Maraming unos ang sa iyo ay dumaan ngunit nagpatuloy ka sa pagiging matatag. Hinarap mo ang mga ito ng buong tatag. Nang malampasan mo ay labis ang kaligayahang iyong nadama. Nakamit mo ang tagumpay na iyong ninanasa at ito ay dahil sa determinasyong iyong ipinakita. Dahil din sa mga pangyayaring ito ay naalala at nagunita mo sa iyong pagmumunimuni na ang pawis, luha at dugo na inalay mo upang makamit ang iyong minimithi ay hindi nasayang sapagkat angat ka na sa iba. Pinanindigan mo ang sarili mong prinsipyo. Sariling dungis ng iyong mukha ang pinunasan mo at pinuna. Ang hirap ay hindi mo inalintana maging ang mga pang-aalipusta. Nagbanat ka ng buto, nagsunog ng kilay at nagpakumbaba. Nagpakatotoo ka sa iyong sarili. Higit sa lahat ay hindi ka nakalimot sa Poong Maykapal na siyang naging tangi mong sandigan sa oras ng iyong mga kawalan.Busilak ang iyong naging mga hangarin. Ngayon nakayakap ka na sa ulap ng iyong tagumpay. Naabot mo na ang iyong mga bituin at nalipad mo na rin ang buong kalawakan ng iyong isipan.

Ang pagyabong ay nagpapahiwatig ng maraming pagbabago. Maaring ang mga pagbabagong ito ay masama o maaari ring mabuti. Ito ay maari ring isang hamon ng buhay o dili kaya’y magdadala ng bagong pag-asa. Ngunit nararapat nating tandaan na sa patuloy na pag-inog ng mundo ang pagtanda ay sumusunod rin dito. Sinasabing walang permanenteng bagay na nananatili sa mundo. Ang lahat ay may wakas, katapusan o limitasyon, maliban na lamang sa ating Banal na Manlilikha.Darating ang panahon na titigil ang paglago at pagyabong ng iyong mga sanga at sa muli ay babalik ka sa pagiging marupok, mahina at maselan. Kailangan mo na ngayong mamaalam. Sa iyong pamamaalam ay nararapat na mag-iwan ka ng isang kayamanang kailanman ay magiging tatak ng iyong pagkatao. Isang ala-alang para sa kinabukasan ng susunod pang mga buto na sa muli ay dadaan sa prosesong iyo ring pinagdaanan.

Bigyang laya mo ang iyong sarili na gawin ang mga bagay na nararapat mong gammpanan. Bilang mag-aaral payabungin mo pa ang iyong kaalaman, bilang isang anak maging lalo ka pang mapagmahal at masunurin sa iyong mga magulang at bilang isang nilalang matuto kang magbigay, magpakumbaba at gumalang. Kailangang ang pagyabong ay mismong sa sarili mo magmumula. Sa kaibuturan ng iyong pusong malaya. Kung nais mong makamtan ang tunay na ligaya at pag-asa, hubugin mo ng husto ang iyong sarili, ang pagyabong mo ay nakasalalay sa iyong mga kamay.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s